Sa panahon ngayon, kailangan na tayong maging maingat.
Hindi lahat ng mukhang maganda ay maganda sa totoong buhay.
Kailangan ng oras para busisiin nang maigi ang isang bagay bago makapagdesisyon kung ito ay nararapat na gawin parte ng iyong buhay.
Hindi porque masaya ka ngayon ay magiging masaya ka habang buhay sa iyong desisyon.
Kaya kailangan palipasin ang panahon para malaman kung tiyak na makabubuti ito sa iyo.
Pero iyon ang isa sa mga bagay na malimit tayo magkaroon - panahon.
Maging ako, lagi kong sinasabi, "Hay nako, wala akong panahon para dyan."
Sa isip ko, tumatanda na ako at umiikot ang mga kamay sa orasan, at wala na akong panahon para pag isipan ang lahat ng ginagawa ko.
Mali iyon, alam ko.
Pero bakit pabugso bugso akong tumalon sa mga bagay na hindi pamilyar sa akin?
Hindi ba ito senyales ng pagiging batang isip?
Ikaw nga ng Agaw Agimat, sa karanasan daw ako ay hilaw pa.
Pero bente syete na ako.
Syet. Bente syete.
Paano ako nakarating dito nang hindi ko alam ang mga pinaggagagawa ko?
Kailangan ko ng konti pang panahon para pag isipan ito.
Malamang maiinip na naman ako at ang magiging desisyon ko, "wala akong panahon dyan!"
No comments:
Post a Comment